5 incumbent governor sa Cagayan Valley, panalo sa halalan

BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Walang nalagas sa limang gobernador sa Cagayan Valley (Region 2) matapos silang magwagi sa isinagawang 2022 elections nitong Lunes.

Iprinoklama na ng Provincial Board of Canvassers nitong Martes sina incumbent Cagayan Governor Manuel Mamba, Carlos Padilla ng Nueva Vizcaya, Dakila Cua ng Quirino, Marilou Cayco ng Batanes, at Rodito Albano ng Isabela na huling naiproklama kahapon.

Si Gob. Mamba ng Nacionalista Party ay nakakuha ng 302,025 boto laban sa 278,562 boto ng katungga­ling si Zara Pulsar Lara.

Si Gob. Padilla ay nagwagi ng 143,552 boto laban sa 97,774 votes na nakuha ng katunggali niyang si Vice Governor Jose Tomas Sr.

Si Gob. Cayco ng Liberal Party ay nagwagi rin matapos makakuha ng 6,489 votes laban kay Telesforo Castillejos na may 2,142 votes.

Si Gob. Albano ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban) ay umarangkada rin matapos kumamada ng 670,367 votes laban sa 25,891 votes ni Glorieta Almazan, habang 851 votes ang nakuha ni Romeo Carlos ng Philippine Green Republican Party.

Si Gob. Cua ng Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan (PDDS) sa Quirino ay muling nagwagi matapos makakuha ng 82,377 votes laban sa katunggali na si Bugaklot chieftain at dating mayor ng Nagtipunan na si Rosario Camma ng Aksyon Demokratiko na may 18,512.

Sina Mamba, Padilla at Cayco ay nagwagi para sa kanilang ikatlo at huling termino habang sina Albano at Cua ay magsisilbi para naman sa kanilang ikalawang termino.

Samantala, nagwagi rin para sa kanyang huling termino si Nueva Vizcaya Rep. Luisa Lloren Cuaresma na nakakuha ng 165,360 votes laban kay Board Member Flodemonte Gerdan, 62,115 votes, at Lawrence Sta. Ana na may 1,388 votes.

Ang kapartido ni Cuaresma na si Atty. Jose Gambito ay naiproklama bilang vice governor-elect matapos magwagi ng 123,079 votes laban kay Atty. Epifanio Lambert Galima na may 101,664 votes.

Ang iba pang mga kinatawan na naiproklama ay sina Tony Pet Albano, Ed Christopher Go, Ian Dy, ­Joseph Tan, Mike Dy at Inno Dy para sa 1st-6th districts ng Isabela.

Sina Reps. Ramon Nolasco Jr. ng 1st district ng Cagayan at Jojo Pulsar Lara ng 3rd district ay parehong incumbent habang si Baby Aline Vargas-Alfonso na dating kongresista ng 2nd district ay muling nanalo kapalit ng kanyang anak.

Si Rep. Ciriaco Gato Jr. ay nagwagi naman sa Batanes habang si Midy Cua, may-bahay ni Gob. Cua ng Quirino ang hahalili naman sa kanilang ama na si Cong. Junie Cua.

Show comments