Ama sinagip ang anak na nalulunod, namatay

Kinilala ang namatay na si Danilo Abando, 40-anyos, residente ng Daraga, Albay, habang ligtas naman ang 11-anyos na anak na babae.
File

LEGAZPI CITY, Philippines — Nauwi sa kamatayan ang pagsagip ng isang ama sa anak niyang nalulunod matapos siyang lamunin ng alon sa dagat na sakop sa lalawigan ng Albay.

Kinilala ang namatay na si Danilo Abando, 40-anyos, residente ng Daraga, Albay, habang ligtas naman ang 11-anyos na anak na babae.

Batay sa report ng Legazpi City-PNP, naganap ang insidente sa may karagatang sakop ng Barangay Rawis, ng nasabing lungsod.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya,nagtungo sa dagat sa may boulevard ang mag-ama para ma­ngisda.

Subalit habang nasa boulevard, bigla na lamang nadulas ang anak ni Abando at nahulog sa dagat.

Nabigla sa pangyayari ang ama kaya agad itong tumalon sa dagat at hindi na pinansin ang malakas na alon para sagipin ang nalulunod na anak.

Ilang residente naman ang nakakita sa pangyayari at tinulungan ang mag-ama na iahon mula sa dagat.

Masuwerte namang nailigtas ang batang babae habang si Abando ay tuluyang inanod ng alon.

Ilang minuto ang nakalipas ay natagpuan ang katawan ni Abando at dinala sa ospital, subalit idineklara itong dead on arrival.

Show comments