2 pulis, 8 pa inaresto sa ‘robbery’ at ‘carnapping’

Nakilala ang mga naaresto na sina Wilfredo Villoga alyas “Wally”, 49, tricycle driver; Lolito Perez, 42, tricycle driver; Domingo Enriquez, 45, construction worker; Rolando Fajardo Jr., 50, magsasaka; Eduardo Paez, alyas “Macmac”, 35, tricycle driver; Rodrigo Villamor, 59, construction worker, pawang may mga asawa ng Barangay Marcos Village, Palayan City; at Walter Torres, 49, may-asawa, isang drayber ng Bongabon, NE.
STAR / File

CABANATUAN CITY, Nueva Ecija, Philippines — Arestado sa dalawang magkasunod na follow-up ope­rations ng pulisya ang 10 lalaki kabilang ang 2-miyembro ng pulisya sinasabing mga suspek umano sa isang robbery at carnapping incident sa Barangay Sto. Domingo, Quezon City, noong Abril 24.

Ayon kay P/Col. Jess Mendez, provincial director ng Nueva Ecija Police, nadakip ng pinagsanib na puwersa ng Nueva Ecija Police at Quezon City Police District, dakong alas-6:30 ng gabi ng Abril 24, ang pitong lalaki sakay ng tinangay umano nilang SUV na Chevrolet Captiva sa Brgy. Marcos Village, Palayan City.

Nakilala ang mga naaresto na sina Wilfredo Villoga alyas “Wally”, 49, tricycle driver; Lolito Perez, 42, tricycle driver; Domingo Enriquez, 45, construction worker; Rolando Fajardo Jr., 50, magsasaka; Eduardo Paez, alyas “Macmac”, 35, tricycle driver; Rodrigo Villamor, 59, construction worker, pawang may mga asawa ng Barangay Marcos Village, Palayan City; at Walter Torres, 49, may-asawa, isang drayber ng Bongabon, NE.

Kasunod nito, nahuli sa isa pang police ­operation nitong April 25, dakong alas-12:35 ng tanghali sa Brgy. San Juan Norte, Cabiao, NE, dalawang pulis na sina P/Corporal Celso Calibuso Jr., 35, may-asawa ng Brgy. Mapalad, Sta. Rosa, NE; P/Corporal Paul John Hipolito, 39, may-asawa ng Sumacab Sur, Cabanatuan City; at isang sibilyan na si Gregorio Rivera, 51, may-asawa ng Cabiao, NE. 

Nabatid na ang dalawang pulis ay mga mi­yembro umano ng Cabiao Municipal Police Station. 

Ayon kay Mendez, ang 10 nahuling suspek ang nanloob umano sa warehouse ng dalawang Chinese national na sina Yancheng Lu, Shanxin Ja, at Pilipino na si Ronald Guanzon sa Barangay Sto. Domingo, Quezon City.

Narekober sa mga suspek ang nasabing kinarnap na sasakyan, ilang mga armas, mga bala, mga granada at cellular phones sa nasabing operasyon.

Show comments