Pickup vs van: Seaman dedo, 8 pang kaanak sugatan

TIAONG, Quezon, Philippines — Patay ang isang seaman habang sugatan ang kanyang walong kaanak makaraang mabangga ang kanilang sinasakyang Isuzu Hilander pickup truck ng kasalubong na van sa Intersection ng Brgy. Lalig sa bayang ito, kamakalawa.

Dead-on-arrival sa ospital dahil sa grabeng pinsala sa ulo at katawan ang biktimang si Jerson Bandales, 45, habang ginagamot sa Candelaria District Hospital ang mga sugatang sina Letty 49, Dexter, 27 at Hazel Bandalez,24, Cathlyn Salem, 26; Shiela Napay, 27; Angela Matienzo, 22; Danilo Aguilar, 29, at ang isang paslit na ‘di tinukoy ang pangalan; pawang residente ng Calamba City, Laguna.

Ayon sa pulisya, patungo sa direksyon ng Lucena City ang minamanehong sasakyan ng seaman dakong alas-5:55 ng umaga nang banggain ito sa hulihan ng Manila bound na Nissan Grande L van na minamaneho ni Mitch Peoquio ng Cavite.

Dahil sa lakas ng pagkakabangga, makailang ulit na sumirko ang sinasakyan ng mga biktima sanhi upang mapuruhan ang naturang seaman. 

Nasa kustodya na ng Municipal Police ang driver ng van na nahaharap sa patung-patong na kaso.

Show comments