Pulis tiklo sa pagpatay sa Indian at kagawad­

Kinilala ang mga suspek na sina Cpl. Bryan General Aquilar, residente ng Brgy. Gabon, Polangui at crime investigator ng Polangui Municipal Police Station, at ang half brother niyang si Raymond Isaac Salanga, 23-anyos, residente ng Brgy. Mendez, Polangui; pawang sa Albay.
STAR/ File

Utol na partner- in-crime, arestado rin

OAS, Albay, Philippines — Arestado ang isang pulis at kapatid niyang lalaki matapos silang ituro sa pagdukot at pagpatay sa isang Indian national at idinamay pang ­itumba ang isang ru­mespondeng barangay kagawad sa Purok-5, Brgy. Maporong, dito, kamakalawa ng umaga.

Kinilala ang mga suspek na sina Cpl. Bryan General Aquilar, residente ng Brgy. Gabon, Polangui at crime investigator ng Polangui Municipal Police Station, at ang half brother niyang si Raymond Isaac Salanga, 23-anyos, residente ng Brgy. Mendez, Polangui; pawang sa Albay.

Ang mga biktima na kapwa idineklarang dead-on-arrival sa Josefina Belmonte Duran Memorial District Hospital sa Ligao City ay nakilalang sina Parmindes Singh, Indian national ng Brgy. Gabon, Polangui, at Marlon Encabo Rebusquillo, 43-anyos, kagawad ng Brgy. Maporong, Oas, Albay.

Sa ulat, dakong alas-11 ng umaga ay tumawag sa Oas Police Station ang kapitan ng Brgy. Maporong kaugnay sa insidenteng aksidente sa kanyang lugar  makaraang mawalan ng kontrol at mahulog sa palayan sa tabi ng kalsada ang isang ­puting Toyota Wigo.

Nabatid na habang wala pa ang mga ­rerespondeng pulis ay unang rumesponde sa ­naturang lugar si Kagawad Rebusquillo lulan ng motorsiklo.

Gayunman, pag­dating ni Rebusquillo sa lugar ay naabutan niya ang hindi naka-unipormeng si Cpl. Aguilar at tinanong kung sino siya pero ibinalik ng huli ang tanong sa kagawad na kung sino siya.

Bunsod nito, tumalikod si Rebusquillo para i-park ang kanyang motorsiklo sa tabi ng kalsada pero walang kaabug-abog na pinutukan siya sa ulo ng pulis saka sunod na binaril si Singh.

Matapos ang pagpatay sa dalawa, tumakas ang suspek gamit ang motorsiklo ng naturang kagawad.

Pagdating ng mga rumespondeng pulis, inabutang nakahandusay at duguan ang mga biktima kaya agarang isinugod sa pagamutan pero parehong hindi na umabot nang buhay.

Habang nagsasagawa ng imbestigasyon  ang Oas Police, bumalik pa umano si Aguilar sa pinangyarihan ng krimen dahilan para ­makilala siya ng mga saksi . Dito na siya inaresto ng mga kabaro makaraang ituro ng mga testigo.

Sa follow up operation, naaresto naman ang kinakapatid ng pulis na si Salanga.

Nauna sa pamamaril, dakong alas-9 ng umaga ay dinukot ng magkapatid ang nasabing Indian at isinakay nila sa ­puting kotse. Pero dahil sa paglaban at pagpupumiglas ng biktima ay nawalan ng kontrol sa manibela si Aguilar kaya tumalon sa palayan ang naturang sasakyan na nalaman ng barangay.

Kasong kidnapping at double murder ang isinampa sa naturang pulis at utol nito.

Show comments