‘Academic break’ idineklara sa Olongapo City

OLONGAPO CITY, Philippines — Dahil sa patuloy na paglobo ng bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19 na indibiduwal, nagdeklara ang Department of Education (DepEd)-Olongapo at lokal na pamahalaan ng “academic break” na magsisimula sa Lunes o Enero 17 hanggang Enero 28, 2022.

Ayon kay City Mayor Rolen Paulino Jr., layunin ng academic break ay upang makapagpahinga ang mga guro sa kanilang trabaho at mapagtuunan ng  pansin ang kanilang Physical at Mental Health sa gitna ng kinakaharap na pandemya.

Sa nasabing dekla­rasyon, walang pasok sa klase mula Kinder hanggang Grade 12 sa pampubliko at pribadong paaralan habang sa tertiary level ay nasa discretion o pagpapasya na umano ng pamunuan ng paaralan kung susundin ang itinakdang academic break.

Samantala, 90 katao ang tinamaan ng CO­VID-19 sa naturang lungsod base sa huling tala ng lokal na pamahalaan kamakalawa dahilan upang sumipa sa 441 ang kabuuang aktibong kaso.

Umakyat naman sa 5,906 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 habang 5,147 ang mga gumaling at nasa 318 naman ang lahat ng nasawi.

Show comments