Olongapo, zero active COVID-19 case na

OLONGAPO CITY, Philippines — Gumaling na ang nag-iisang pasyente na tinamaan ng COVID-19 dahilan upang maging zero active COVID-19 case na ang lungsod na ito sa mismong araw ng Pasko, ayon sa pinakahuling impormasyon ng lokal na pamahalaan.

Sinabi ni Mayor Rolen Paulino Jr. na bunsod ito sa pakikiisa at pagsunod ng mga residente sa kanilang panawagan na sundin pa rin umiiral na safety health protocol, gayundin ang sakripisyo ng mga healthcare wor­kers upang mailagay sa maayos na sitwasyon kontra COVID-19 ang kanilang siyudad.

Samantala, aabot na sa 128,814 residente ng lungsod ang nabakunahan o katumbas ng 72% na ng kanilang target population mula sa 182,000 populas­yon na kailangang mabakunahan upang makamit ang herd immunity.

Simula nang manalasa ang COVID-19 noong nakaraang taon, nakapagtala ng kabuuang 5,458 na kaso ng COVID-19 ang siyudad; 5,141 ang nakarekober habang 317 naman ang namatay.

Show comments