Bagsik ng COVID-19: 32 katao utas sa loob lang ng 1-araw sa Cagayan

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Mu­ling nakapagtala ng pinaka-mataas na bilang ng mga namamatay sa loob ng isang araw ang lalawigang ito matapos masawi ang 32 katao dahil sa COVID-19 nitong Setyembre 3.

Ayon sa report na ipinalabas ng Cagayan Provincial Information Office (CPIO), sa 32 na nasawi ay pinakamarami ang naitala sa lungsod na ito na umabot sa 11, sinundan ng bayan ng Baggao na lima; apat sa Alcala; habang tig-iisa sa mga bayan ng Allacapan, Amulung, Ballesteros, Camalaniugan, Gonzaga, Lal-lo, Lasam, Sanchez Mira, Sta. Ana, at Sto. Niño.

Nakapagtala rin ang lalawigan ng 421 na mga bagong nagpositibo kung saan 114 sa mga ito ay naitala pa rin sa lungsod na ito.

Sa kasalukuyan, umaabot na sa 4,386 ang aktibong kaso sa buong lalawigan habang 953 na ang namatay dahil sa pandemya.

Samantala, mahigit na sa 76,383 ang kabuuang kaso sa buong Rehiyon 2 (Cagayan, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya at Batanes), kung saan 7,604 ang aktibong kaso habang 2,161 ang nasawi.

Ayon kay Dr. Nica Taloma, head ng Collaborating Center for Di­sease Control and Prevention ng DOH-Region 2, nasa 31.1% ang positivity rate sa buong rehiyon at mga kababaihan ang pinakamaraming tinamaan ng virus.

Nilinaw naman ni Taloma na wala pang namamatay dahil sa pagpapabakuna kontra COVID-19 sa rehiyon.

Show comments