10 katao, dinakma sa illegal mining

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Sampung katao na kinabibilangan ng isang menor- de-edad ang dinakip ng mga otoridad matapos mahuli sa aktong nagsasagawa ng illegal small-scale mining sa bayan ng Claveria sa lalawigang ito kamakalawa ng madaling araw.

Ayon sa ulat na nakarating sa tanggapan ni P/Brig. Gen. Crizaldo Nieves, regional police director ng Police Regional Office 02 (PRO2), nakilala ang na­huling mga suspek na sina Edgene Caligan, 36; Reylie Acob, 35; Noel Inocencio, 30; Joel Caligan Jr., 29;  Rhayan Avanzado, 38; Oscar Avanzado, 43; Noel Avanzado, 35, at Clarence Magayano Sr, 54, pawang mga re­sidente ng Barangay Culao sa nasabing ba­yan habang sina Keith Reeve Julaquit, 26, at ang menor-de-edad na itinago sa pangalan na “Dodong” na kapwa residente naman ng Barangay Manag, Conner mula sa lalawigan ng Apayao.

Sinabi ni P/Lt. Col Andree Abella, regional information chief ng PRO2 na unang humi­ngi ng tulong sa pulisya ang mga opisyal ng barangay dahil sa ilegal na pagmimina ng nasabing grupo malapit sa dalampasigan ng Baran­gay D’ Leano.

Dahil dito ay agad na sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng Western Cagayan Ma­ritime Police Station (MARPSTA) - Maritime Group, Explosive Ordi­nance Disposal and Canine (EOD K9) Unit at Claveria PNP ang itinurong lugar at naaktuhan ang mga suspek na nagsasagawa ng ilegal na pagmimina dakong alas-3:30 ng ma­daling araw.

Nakumpiska ng mga otoridad mula sa nadakip na mga suspek ang 1 water pump set; 2 steel mallet; 1 hand held radio; 2 blasting cap, 1 five feet time fuse, 50 grams na Ammonium fuel oil (ANFO), 1litro na gasoline at 4 na steel chisel.

Ang mga nahuling suspek ay isasailalim sa inquest proceeding sa tanggapan ng Provincial Prosecutor dahil sa paglabag sa Republic Act 7076 o ang People’s Small-scale Mining Act of 1991 habang ang menor-de-edad ay ipinasakamay ng pulisya­ sa tanggapan ng Muni­cipal Social Welfare and Development  (MSDW) sa nasabing bayan.

Show comments