3 katao, inaresto sa pagbebenta ng pekeng driver’s license

Ayon kay Sayno, unang nahuli ng mga tauhan ng Land Transportation Office (LTO) ang isang Richard Acoba, 36, residente ng Bonfal Proper sa katabing bayan ng Bayombong at nang bigyan siya ng ticket ay nadiskubre na peke ang kanyang dalang lisensya.
Philstar.com/Irish Lising, file

SOLANO, Nueva Vizcaya, Philippines — Tatlong katao na sangkot sa pagbebenta ng mga pekeng driver’s license ang dinakip ng mga otoridad sa isinagawang entrapment operation sa Barangay Bagahabag, sa bayang ito.

Kinilala ni Police Captain Jet Sayno, hepe ng Solano PNP ang nadakip na sina Domingo Esmeralda, 39, residente ng Purok-6, Barangay Bagahabag; Jimmy Obra, 47, at Vincent Quintero, 33, kapwa residente naman ng Barangay Quirino sa kalapit na bayan ng Bagabag.

Ayon kay Sayno, unang nahuli ng mga tauhan ng Land Transportation Office (LTO) ang isang Richard Acoba, 36, residente ng Bonfal Proper sa katabing bayan ng Bayombong at nang bigyan siya ng ticket ay nadiskubre na peke ang kanyang dalang lisensya.

Dahil dito ay agad na nakipagtulungan sa mga kagawad ng pulisya si Acoba at ikinasa ang isang entrapment operation, sa pangu­nguna ni P/Lt. Roger Visitacion, na nagresulta sa unang pagkadakip kina Esmeralda at Obra habang si Quintero ay nadakip naman sa isinagawang follow-up operation.

Nabawi sa mga suspek ang 3 hinihinalang pekeng driver’s licence at 6 na pekeng official receipt (OR) ng LTO.

Show comments