Bagong panganak na misis, kinatay ni mister
MANILA, Philippines — Arestado ang isang mister matapos na pagsasaksakin nito ang sariling misis nang magtalo dahil sa iniwang malaking hospital bill nang magluwal ng kambal na sanggol ang ginang, kamakalawa ng gabi sa General Santos City.
Nakakulong na sa Tinagacan Police at nahaharap sa kasong parricide ang suspek na si Rodolfo Bacyano, 34, ng Purok 6 Lower Labay, Tinagacan, General Santos City dahil sa pagpatay sa kanyang asawang si Aileen, 23- anyos.
Ayon kay Police Capt. Nemesio Calipho, hepe ng Tinagacan Police Station, inamin ng suspek ang ginawang pagpatay sa kanyang misis na ilang buwan pa lang na nanganak ng kambal na sanggol sa isang ospital at umabot ang bayarin nito sa P103,000.
Sa imbestigasyon, umuwing lasing ang suspek kaya nag-alsa balutan ang ginang at bitbit nito ang kanilang tatlong buwang kambal na anak.
Sinundo ng suspek sa kapitbahay ang kanyang misis at nang makauwi ay doon na ito inundayan ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Nasa pangangalaga pa ng mga kapitbahay ang naulilang tatlong buwang kambal matapos pumanaw ang ina habang nakakulong na ang kanilang ama.
Lumalabas na nagalit ang suspek sa misis dahil sa malaking gastos nito sa panganganak na kanilang madalas pinagtatalunan.
- Latest