P130 milyong standby fund, inilaan para sa bakuna sa Bulacan

MALOLOS CITY, Bulacan , Philippines — Naglaan ng P130 milyong standby fund ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan para ipambili ng bakuna laban sa COVID-19, sakaling kailangang punan ang suplay sa 21 bayan at tatlong mga lungsod nito.

Ayon kay Gob. ­Daniel Fernando, minabuti ng pamahalaang panlalawigan na maihanda ang nasabing pondo upang matiyak na mapapabakunahan ang may 2.5 mil­yong kuwalipikado sa loob ng mahigit tatlong milyong populasyon ng Bulacan.

Dahil ang pamahalaang nasyonal aniya ang mangunguna sa malawakang pagbabakuna, at may mga pamahalaang lokal sa Bulacan na bibili ng kani-kanilang mga suplay, ang Kapitolyo naman ang pupuno sakaling kailanganin pa ng karagdagang suplay.

Sa 2.5 milyong kwalipikadong mababakunahan sa Bulacan, nasa 338,000 hanggang 340,000 ang mga senior citizens habang nasa 2,186 ang mga public health workers and frontliners. Iba pa rito ang mga nasa pribadong ospital. Katumbas ito ng 70% ng populasyon ng lalawigan na mababakunahan ng bakunang binili ng pamahalaang nasyonal.

Ayon kay Dra. Hjordis Celis, head ng Response Cluster ng Provincial Task Force against COVID-19, sa ginawang dry-run sa Hiyas ng Bulacan Convention Center sa Malolos na magiging vaccination center, kabilang sa kinakausap ng Kapitolyo ang gumagawa ng bakunang AstraZeneca ng United Kingdom. Tinata­yang nasa 95,000 doses ng bakuna laban sa COVID-19 ang planong bilhin ng Kapitolyo para sa may 47,500 na katao. Hahatiin ito depende sa bilang ng dapat punan sa bawat pamahalaang lokal sa lalawigan.

Kaya’t kalakip nito, sinabi ni Gob. Fernando na bumili ang Kapitolyo ng apat na mga freezers upang mapaglagakan ng nasabing mga bakuna. Balak pa itong dagdagan ng dalawa pang units. Nasa P700,000 ang halaga ng isang unit ng freezer na kayang maglulan ng 50,000 doses ng bakuna.

Show comments