Sa pagpatay sa mayor at driver ‘Task Force Cuan’ binuo ng PNP

MANILA, Philippines — Bumuo na ng Special Investigation Task Group Cuan ang North Cotabato Police para sa agarang ikalulutas sa kaso ng pagpatay sa alkalde ng Libungan at driver nito noong Lunes ng umaga.

Ayon kay North Cotabato Police director Col. Henry Villar, ang Task Force Cuan ay binuo ng pulisya upang mapadali ang resulta ng ginagawang imbestigasyon sa insidente.

Nagpalabas na rin aniya ng direktiba ang pamahalaang panlalawigan ng North Cotabato sa mga otoridad na madaliin ang pagtukoy ng nasa likod ng krimen.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na nagtamo ng 12 tama ng bala sa katawan at sa ulo si Libungan Mayor Amping Cuan habang dalawa naman sa driver nito.

Magugunita na una na ring tinangkang patayin ng isang sniper ang alkalde noong 2019 pero nakaligtas.

Si Cuan ay isa sa mga pinanangalanan noon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang narco-list pero mariing itinanggi ng alkalde na sangkot siya sa kalakaran ng droga.

Show comments