Tensyon sumiklab sa girian ng ‘2 mayor’ sa Nueva Ecija

Dahil dito, nagtalaga na ng karagdagang pulis ang Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO) na magbabantay at sisigurong walang sibil­yan na madadamay sa gitna ng pag-aagawan sa posisyon ng nakaupong lider ng bayan na si Ma­yor Sylvia Austria at ang nanalo naman sa recount na si Antonio Prospero “Tony” Esquivel.
Philstar.com/John Unson, file

Bomba pinasabog malapit sa munisipyo

JAEN, Nueva Ecija, Philippines — Tumaas ang tensyon sa bayang ito matapos na dalawang pagsabog ang umalingawngaw may 70-metro ang layo sa gusali ng munisipyo noong Linggo ng hapon sa gitna ng bangayan sa pagitan ng dalawang nag-aagawan sa puwesto bilang alkalde.

Dahil dito, nagtalaga na ng karagdagang pulis ang Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO) na magbabantay at sisigurong walang sibil­yan na madadamay sa gitna ng pag-aagawan sa posisyon ng nakaupong lider ng bayan na si Ma­yor Sylvia Austria at ang nanalo naman sa recount na si Antonio Prospero “Tony” Esquivel.

Agad na nilinaw ni P/Col. Marvin Joe Saro, provincial police director, na tangka lang umanong manakot nang gumawa ng improvised explosive devise (IED) kung pagbabasehan ang ginamit na pampasabog dahil gawa lang ito sa maliit na botelya, pako, baterya ng motorsiklo at gasolina.

Nilinaw ni Saro na isa lang ang pagsabog taliwas sa unang napaulat na dalawa. “Una lang pong pumutok yung black powder, then ‘yon ang nag-trigger sa pagsabog ng gasoline,” pahayag ni Saro.

Sinabi ni Saro na kontrolado ng pulisya ang sitwasyon sa lugar.

Sinusuri na ang mga closed circuit television (CCTV) para sa posibleng pagkakakilanlan ng mga suspek sa pagsabog na naganap bandang alas-4:24 ng hapon, ayon naman kay P/Major Baltazar Corpuz, hepe ng Jaen Police Station.

Nauna rito, nanalo sa election protest si Esquivel batay sa recount na nilagdaan ni Gapan City RTC branch 87 Judge Angelo Perez, laban sa incumbent mayor na si Austria noong May 13, 2019 elections.

Sa recount protest ni Esquivel, lumitaw na nakakuha siya ng 18,737 votes kumpara sa 14,392 boto ni Austria na nagmamatigas ngayon sa puwesto.

Show comments