3 dalagita na miyembro ng choir ‘hinalay’ ni kapitan

Ang tatlong dalagita na nagkaka-edad ng 13, 15 at 17, pawang mga estudyante ay unang dumulog kay Moncada Mayor Estelita Aquino at sa Moncada Police Station upang isuplong ang anila’y hindi na nila makayanang kahalayang pinaggagawa sa kanila ni Brgy. Capt. Orlando Baliola ng Brgy. San Leon na ilang taon na rin niyang ginagawa.
File

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Pormal na kina­suhan ng tatlong menor-de-edad ang isang kapitan ng barangay sa Moncada, Tarlac na nagsisilbi ring lay minister ng simbahan dahil sa umano’y paulit-ulit na pangmomolestya at pang-aabuso sa kanila.

Ang tatlong dalagita na nagkaka-edad ng 13, 15 at 17, pawang mga estudyante ay unang dumulog kay Moncada Mayor Estelita Aquino at sa Moncada Police Station upang isuplong ang anila’y hindi na nila makayanang kahalayang pinaggagawa sa kanila ni Brgy. Capt. Orlando Baliola ng Brgy. San Leon na ilang taon na rin niyang ginagawa.

Sa kanilang sinumpaang salaysay ng mga biktima, salitan umano silang kinokorner ng kapitan sa mismong loob ng Barangay Hall at sa bahay nito, na nagsimula pa may tatlong taon na ang nakararaan. Nagbibigay din umano ng pera na P20-P200 ang kapitan sa mga biktima at sina­sabihan silang huwag magsusumbong.

Nabatid na ang pinakahuling insidente ay noong Abril, 2020 sa pamamagitan ng paglamas umano sa kanilang murang dibdib, paghawak sa kanilang ari at may pagkakataong pinapalaro pa ng kapitan ang kanyang ari sa mga bata.

Bukod sa pagiging kapitbahay, naging malapit umano ang kapitan sa mga biktima na pawang miyembro ng choir dahil siya rin ang tumatayo na kanilang gitarista.

Ayon kay Mayor Aquino, pinayuhan niya si Baliola na magbitiw na lang sa tungkulin upang hindi mabahiran ng mantsa ang kanyang tanggapan bilang chairman ng Brgy. San Leon, na malugod naman umanong tinanggap ng huli ang pagre-resign.

Dagdag ng mayora, hindi nila sukat akalain na hahantong sa iskandalo ang panunungkulan ni Baliola na bukod sa pagiging masipag na opisyal ay isa pang lay minister ng simbahan. Mariing itinanggi umano ng tserman ang paratang sa kanya at sinabing ito ay may bahid-pulitika.

Show comments