5 bandidong Agta sumuko sa military

SANTIAGO CITY, Isabela , Philippines — Limang katutubong Agta na kasapi ng New People’s Army (NPA) kabilang ang isang menor-de-edad ang nag­balik-loob sa pamahalaan matapos sumuko sa militar, ayon sa ulat kahapon.

Kinilala ng 5th Infantry Division (5ID) ng Philippine Army na naka-base sa Gamu sa lalawigang ito ang mga sumuko na sina alyas Daren, 22; Dario, 23; Jackson, 21; isang amasona na si alyas Lea, 31; at babaeng 17-anyos na si alyas Len-Len.

Ayon kay B/Gen Laurence Mina, comman­ding general ng 5ID, ang mga katutubo na naging biktima ng panlilinlang ay pawang mga miyembro ng Regional Sentro De Grabidad, Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley.

Sa kanilang salaysay sa tropa ng 86th Infantry Battalion, kung saan sila sumuko, isang alyas “Wallen” ang humimok sa kanila na sumama sa kilusan kapalit ng ma­gandang buhay subalit namulat umano ang kanilang mga diwa nang dumanas sila ng matinding hirap kung kaya’t nagpasya silang tumakas at sumuko na lamang sa mga sundalo.

Ayon kay Mina, ang mga sumuko ay ipapasok sa Alternative Learning­ System na programa ng Kagawaran ng Edukasyon at sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para mabigyan sila ng magandang trabaho at kabuhayan sa hinaharap.

Show comments