30 mayor, governor atbp. pinangangambahang nahawa

Dahil dito, isinailalim sa total lockdown ang Ilagan City Hall at nag-self quarantine ang mga opisyal at kawani na nakasalamuha ng mag-amang Diaz. Idineklara rin ang enhanced community qua­rantine (ECQ) sa buong lungsod mula Huwebes hanggang Agosto 12.
Via The STAR/Roel Pareño, file

Konsehal sa Mayor’s League meeting may COVID

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines —Dahil sa pangambang nahawa sa COVID-19, nasa 30 na alkalde, isang gobernador, bise gobernador at iba pang kawani ng Isabela local government ang sumailalim sa swab testing at self qua­rantine matapos nilang makasa­lamuha sa pagpupulong ng Mayors’s League ang anak ng isang alkalde na kalaunan ay nagpositibo sa virus noong Huwebes. 

Ayon kay Tumauini Mayor Arnold Bautista, pangulo ng Isabela Ma­yors’ League, tumayong kinatawan si Councilor Jayvee Diaz ng kanyang amang si Ilagan City Mayor Josemarie Diaz sa pagpupulong ng liga dahil masama ang pakiramdam ng huli noong Hulyo 31. Pero kalaunan ay nagpositibo sa virus ang matandang Diaz na nakaranas ng pag-ubo at lagnat bago isinugod sa pribadong ospital sa Pasig City.

Sumunod na nagpositibo sa virus si Konsehal Diaz at dalawa pa nilang kapamilya na sumailalim sa home qua­rantine.

Dahil dito, isinailalim sa total lockdown ang Ilagan City Hall at nag-self quarantine ang mga opisyal at kawani na nakasalamuha ng mag-amang Diaz. Idineklara rin ang enhanced community qua­rantine (ECQ) sa buong lungsod mula Huwebes hanggang Agosto 12.

Bukod sa mga ma­yor, isinailalim din sa pagsusuri sina Isabela Gov. Rodolfo Albano III at Vice Gov. Faustino Dy III na observer sa meeting, ayon naman kay Cauayan City Mayor Bernard Dy na katabi ni Konsehal Diaz sa lamesa.

Sinabi Mayor Dy na bukod sa kanilang mga alkalde at pinuno, isinailalim sa swab test ang ilang kawani ng governor‘s office kung saan idinaos ang pagpupulong.

Maliban pa sa meeting ng Mayors’ League, nabatid na dumalo noong Agosto 2 si Konsehal Diaz sa pagpupulong ng isang samahan na ginanap sa Ilagan City Community Center na dinaluhan ng mga bisita mula Tuguegarao City, Cagayan at Tabuk City, Kalinga. Ang mga organizers ng nasabing pulong ay naka-quarantine na, sumailalim sa rapid test at kalaunan ay swab testing upang masiguro na hindi sila nahawa sa opisyal.

Show comments