5 pumuslit mula Metro Manila, nagpositibo sa COVID-19

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Naglikha ng ligalig ang mga sinasabing kaso ng pagpupuslit ng mga tao mula Metro Manila papasok ng Rehiyon 2 matapos silang magpositibo sa COVID-19 kahapon.

Sa report ng Cagayan Provincial Health Office, tatlong bagong kaso ng COVID-19 doon ay ibinaba ng hindi pa natukoy na sasakyan sa Barangay Maddarulug, Enrile noong Hulyo 9.

Ang tatlo ay kinabibilangan ng isang 29-anyos na buntis na guro, ang 6-anyos nitong anak na babae at 68-anyos nitong ina na pawang galing sa Payatas, Quezon City, isang COVID-19 hotspot sa Metro Manila.Dinala na sila sa isang pasilidad saka sumailalim sa swab testing na kalaunan ay nag-positibo ang resulta.

Sa bayan ng Iguig, isa ring obrero na sinasabing naipuslit sa Cagayan mula Caloocan City noong Hunyo 25 upang magtrabaho sa isang construction site ang nagpositibo rin sa coronavirus.

Nabatid na walang puknat ang pag-uubo nito habang nagtratrabaho kaya’t isinugod ito ng mga kabaro sa Cagayan Valley Medical Center kung saan siya sinuri.

Sa Ilagan City, Isabela isa pang 29-anyos na babae na ipinuslit mula Caloocan City ng isang kawani ng pamahalaan ang nanligalig sa mga residente ng Barangay Manaring matapos magpositibo sa virus kamakalawa.

Show comments