Quarantine control point inatake ng NPA: 4 pulis sugatan

MANILA, Philippines — Isang manhunt ope­ration ang isinasagawa ng mga otoridad laban sa mga rebelde matapos nilang tambangan ang apat na pulis sa isang quarantine control point sa Misamis Occidental.

Kinilala ang apat na nasugatang pulis na sina P/Cpl. Marvin Inton, P/SSgt. Larry Millan, P/Cpl. Leo Gumisad at Patrolman Ritchel Tañola.

Nabatid na ang apat na police frontli­ners ay  nakamando sa quarantine control point nang pagbabarilin ng mga re­belde sa bayan ng Concepcion.

Sa report mula sa Police Regional Office 10, nakabantay ang mga tauhan ng Concepcion Municipal Police Station sa Advance Command Post sa Barangay Putongan nang duma­ting ang mga rebeldeng NPA na kasapi ng Guerilla Front “Sendong” at pinaputukan ang mga pulis. Nagawa namang makaganti ng putok ng mga pulis na nagresulta sa pagkasawi ng isa sa mga rebelde.

Inatasan na ni PNP chief, Police General Archie Gamboa si Northern Mindanao PNP Regional Director, P/BGen. Rolando Anduyan na tiyaking maibibigay ang medical needs ng apat na nasugatang pulis.

Show comments