5 katao nagtampisaw sa ilog, patay

TUGUEGARAO CITY,  Cagayan, Philippines — Lima katao ang patay kabilang ang apat na bata matapos silang tangayin ng malakas na agos at lamunin ng ilog habang nagtatampisaw sa Brgy. Malabbac, Iguig, dito sa lalawigan noong Sabado.

Kinilala ang mga nasawi na sina John Louie Duldulao, 7-anyos; kapatid na si John Nijel, 9; ina nilang si Marisol, 27, at kambal na sina John Richard at John Ric Tapar, 11-anyos.

Sa report ng pulisya, habang nasa kasarapan sa paliligo sa Cagayan River ang mga magkakapatid na sina John Louie; John Nijel at John Ace Duldulao, 10, at kambal na Tapar nang magsimula silang tangayin ng agos hanggang sa lamunin ng tubig dakong alas-8:40 ng umaga.

Dahil dito, agad sumugod upang sagipin ni Marisol ang tatlong anak at nasabing kambal subalit maging siya ay lumubog.

Rumesponde ang mga tao sa lugar at sinagip ang mga biktimang nagsilutang saka isinugod sa Cagayan Valley Medical Center pero si John Ace lamang ang nakaligtas sa kamatayan habang ang lima ay idineklarang dead-on-arrival.

Show comments