10 patay sa tumagilid na trak

MANILA, Philippines — Patay ang 10 obrero matapos na mahulog at tumagilid ang kanilang sinasakyang Elf truck sa Purok 1, Barangay Liguac, Pitogo, Zamboanga del Sur kamakalawa ng hapon.

Kinilala ang mga biktima na dead-on-the-spot sa insidente na sina Rey Alfornon, 24; Orlando Sabejon, 44; Noel Cabellon, 19; Berlindo Labador, 34; Edwin Delos Santos, 70; Marvin Hemang, 30; Loui Jay Omandam, 34 at 15-anyos na binatilyo. Dalawa pa umano sa walong naisugod sa ospital ang idineklarang dead-on-arrival sa pagamutan.

Sa imbestigasyon ng Pitogo Police, lulan ng Elf truck na may plakang GEM 839 ang 16 obrero at may kargang malalaking troso na minamaneho ni Leolito Tam, 28, nang aksidenteng mahulog ito sa nasabing lugar pasado alas-2 ng hapon.

Dahil dito, agad na nasawi ang walo sa kanila habang isinugod ang iba sa ospital sa Margosatubig, Zamboanga del Sur.

Boluntaryo namang sumuko ang truck driver sa Pitogo MPS na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide at multiple physical injuries.

Show comments