7 mangingisda binalya ng alon, missing

MANILA, Philippines — Pitong mangingisda ang iniulat na nawawala matapos na mangisda sa karagatan ng Brgy. Hermosa, Dasol, Pangasinan, ayon sa ulat kahapon.

Kinilala ang mga nawawala na sina Captain Alberto Roldan gayundin ang mga tripulanteng sina Roderick Montemayor, Homar Maglantay, Ejay Dela Cruz, Jerome Maglantay, Larry Legaspi at Jefferson Bernabe.

Sa report na nakarating sa Office of Civil Defence (OCD) Region 1 ang nasabing mga mangingisda ay lulan ng bangkang FB Narem 2 nang pumalaot simula pa noong Enero 6.

Patuloy naman ang search and rescue operation ng mga elemento ng Philippine Coast Guard (PCG) sa mga nawawalang biktima.Gayunman, labis na nag-aalala ang kanilang mga pamilya matapos na mabigo ang mga ma­ngingisda na makabalik sa kanilang mga tahanan.

Nabatid na nakatakda sanang bumalik sa Infanta, Pangasinan noong Enero 14 ang pitong mangingisda base na rin sa inireport sa mga awtoridad ng may-ari ng bangka na si Christine Macaraeg kamakalawa.

Sa pahayag ni Macaraeg noong Enero 13 ay nagawa pa siyang makontak sa radio ng kapitan ng bangka na sinabing binabalya sila ng malalaking alon na nasa 60 nawtikal na milya ang layo sa Dasol, Pangasinan.

Umaasa naman ang pamilya ng mga biktima na buhay silang makababalik.  

Show comments