Bisita sa kasal, binoga sa laklakan

NORTH COTABATO, Philippines — Patay ang isang driver na bisita sa kasal matapos barilin ng kapwa nito driver nang magkainitan habang nag-iinuman sa Sitio Sdo, Brgy. Midpa­pan Dos sa bayan ng Pigcawayan, Martes ng gabi.

Nakilala ang nasawi na si John Paul Bravo, 39-anyos, may asawa, at taga-Bara-ngay Balogo, Pigcawa-yan habang ang suspek ay kinilala namang si Jade Resma alyas “Da Boy”, 24-anyos ng Brgy. Midpapan.

Sinabi ni Pigcawayan Police chief, P/Major Rommel Constantino, nag-iinuman pasa­do alas-9:00 ng gabi ang biktima at suspek na kapwa bisita umano sa bahay ng bagong kasal nang magkaroon sila ng mainitang pagtatalo.

Dahil dito, binunot ni Resma ang kanyang 38 cal. revolver at pinagba­baril ng anim na beses sa katawan si Bravo. Agad na tumakas ang suspek matapos ang krimen subalit hinabol siya ng mga tanod hanggang sa mabaril ito pagsapit sa Barangay Tigbawan.

Ginagamot pa sa ospital ang suspek na naka­takdang sampahan ng kaukulang kaso. 

Show comments