Lady kagawad hulog sa jeep, tigok

SAN JOSE CITY, Nueva Ecija , Philippines —Patay ang isang 49-anyos na babaeng barangay kagawad makaraang mahulog sa sinasakyang jeep ay naatrasan pa nito sa paakyat na bahagi ng bulubunduking kalsada ng Zone 3 sa Sitio Batong Lusong, Bara-ngay Villa Floresta ng lungsod na ito, noong Sabado ng umaga. 

Kinilala ni P/Lt. Col. Heryl L. Bruno, hepe ng San Jose City Police ang biktima na si Norinda Agustin, 49, kagawad ng Barangay Villa Floresta, rito, na namatay habang ginagamot sa Heart of Jesus Hospital sa lungsod na ito.  

Naaresto naman sa follow-up operation ng pulisya ang drayber ng jeep na si Dencio Ariz, 60, may-asawa at kapwa kagawad ng biktima sa kanilang barangay. Sa ulat, alas-11:10 ng umaga habang tini-testing umano ng suspek na paandarin ang bagong gawang jeep (AHL-632) nang sumama rito ang biktima at sumakay sa gawing likuran ng sasakyan. Habang tinatahak nila ang paakyat na bahagi ng kalsada, namatay umano ang makina at parang nag-“wild” umano ang jeep sanhi upang mahulog ang biktima. Sa kamalasan, umatras pa ang sasakyan at nagulungan ang biktima sa katawan na kanyang ikinasawi.

Show comments