Motorbike bumangga sa puno: 3 patay
NORTH COTABATO - Tatlo katao ang nasawi kabilang na ang isang menor-de-edad matapos na bumangga ang sinasakyan nilang motorsiklo sa punongkahoy sa Brgy. Singkatulan, Makilala, lalawigang ito kahapon ng madaling araw.
Nakilala ang mga nasawi na sina Ruel Tolintino Laureta, nasa hustong gulang, magsasaka ng Pulanglupa, Mlang, North Cotabato; Jonathan Soyat Doceo, 17-anyos at Garry De Asis, 35; kapwa nakatira sa Brgy New Janiway, Mlang, North Cotabato.
Sa imbestigasyon ng Makilala Police Traffic Section, dakong ala-1:30 ng madaling araw habang binabagtas ng Kawasaki Bajaj motorcycle na minamaneho ni Laureta ang national highway patungong Mlang sakay ang dalawa pang biktima nang pagsapit nila sa naturang lugar ay sinubukang mag-overtake sa isa pang motorsiklo pero nang mapansin ng una na may kasalubong na isa pang sasakyan, kinabig nito ang manibela pabalik hanggang sa mawalan na siya ng kontrol at bumangga sila sa puno ng Talisay.
Nagtamo ng matitinding pinsala sa katawan ang mga biktima sanhi ng kanilang agarang kamatayan.
Pauwi na sana ang mga biktima sa Mlang nang maganap ang insidente.
Napag-alamang lasing sa alak ang nasabing drayber.
- Latest