Lolo nagbigti sa puno

GEN. TINIO, Nueva Ecija, Philippines – Dahil umano sa matinding depresyon dulot ng kanyang sakit, isang 62-anyos na lolo ang nagbigti sa ilalim ng puno sa Barangay Pulong Matong ng bayang ito noong Martes ng hapon. Kinilala ng pulisya ang biktima na si Ricardo Sinuto Sr., may-asawa, isang family driver ng Barangay Rio Chico, General Tinio, Nueva Ecija. Sa ulat, nadiskubre ang nakabiting katawan ng biktima ng dalawang lalaking nagpapastol ng baka na sina Raymark Carlos, 19, binata; at Manuel Sanchez, kapwa ng Brgy. Diwalaan, Gen. Tinio, Nueva Ecija, bandang ala-1:30 ng hapon. Pupunta sana sa lilim ng punong Alinapla sa loob ng bakanteng lote ni Gen. Tinio Municipal Councilor Erick Serrano ang dalawang saksi nang mamataan nila ang nakabiting biktima. Nabatid ng pulisya sa pamilya ng biktima na may iniindang matinding sakit ang lolo sanhi ng depresyon kaya nagpatiwakal. Wala ring nakikita ang pulisya na may foul play sa insidente.

Show comments