NPA, Gabriela, Bayan Muna atbp. ‘persona non grata’ sa Cagayan Valley

SANTIAGO CITY, Isabela, Philippines — Tuluyan nang idineklarang “persona non grata” sa ilang lugar ng Cagayan Valley (Region-2) ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) kabilang na ang kanilang mga front organizations tulad ng militanteng grupong Gabriela at Bayan Muna, ayon sa 5th Infantry Division (5ID) na nakabase sa Gamu, Isabela kahapon.

Ayon sa militar, ang buong lalawigan ng Cagayan, 10 barangay sa Isabela, dalawang bayan sa Nueva Vizcaya at isang barangay sa Quirino ay pawang nagdeklara ng “persona non grata” laban sa NPA at sa mga grupong sumusuporta sa kilusan.

Ang naturang mga barangay sa Isabela ay ang Brgys. Dicamay Uno, Dos, at Sta. Isabel sa bayan ng Jones; Brgy. Palacian sa San Agustin; Brgy. San Francisco Sur ng San Guillermo; Brgy. San Miguel, Benguet at Brgy. Babaran, Echague; Brgy. Sta Isabel Sur at Brgy. Isabel Norte ng Ilagan City; habang sa Quirino ay nagdeklara rin ng persona non grata sa NPA ang Brgy. La Conwap, Nagtipunan at Brgy. Namal, Asipulo sa Ifugao. Bawal na ring pumasok ang NPA sa buong bayan ng Quezon at Ambaguio sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.

Bukod sa NPA, kabilang pa sa mga idineklarang persona non grata sa mga nabanggit na lugar ay ang mga grupong Gabriela, Ba­yan Muna, Kabataan, Karapatan, Anak Pawis, Anak Bayan at Dagami na sinasabing mga front organization umano ng mga rebelde.

Show comments