9 terorista utas sa engkwentro

Sinabi ni Major John Arvin Encinas, spokesman ng AFP Western Min­danao Command, ang 9 na te­ro­rista ay na­­paslang sa inilunsad na pinaigting na opensi­ba laban sa BIFF sa ilalim ng paksyon ni Abu Torayfe simula noong Hul­yo 25 hanggang kamakalawa.
Ernie Peñaredondo

MANILA, Philippines — Siyam na miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang napaslang habang tatlo pa ang nasugatan sa engkuwentro sa pagitan ng tropa ng militar at nasabing lokal na grupo ng mga terorista sa Maguin­danao, ayon sa militar nitong Martes.

Sinabi ni Major John Arvin Encinas, spokesman ng AFP Western Min­danao Command, ang 9 na te­ro­rista ay na­­paslang sa inilunsad na pinaigting na opensi­ba laban sa BIFF sa ilalim ng paksyon ni Abu Torayfe simula noong Hul­yo 25 hanggang kamakalawa.

Ang mga napatay ay kinilalang sina Abdul Mosaiden, Mohammad Satar, Hamid Ekal, Maula Samad, Esmail Kagui Malang, Muner Akbal, Musanep Kabelan, isang tinukoy lamang sa alyas “Alimudin”, at isang hindi pa nakilala.

Base sa report ng lokal na komunidad, ang mga nasugatang BIFF members ay nakilala namang sina Abdul Mama, Pagayao Sulaiman at Omar Malayog.

Ayon kay Encinas, kamakalawa ay muling nakasagupa ng tropa ng mga sundalo ang BIFF sa Brgy. Dasawao, Shariff Saydona Mustapha bandang alas-11 ng umaga kung saan ang palitan ng putok ay tumagal ng mahigit 10 minuto.

Sa nasabing engkuwentro, nasugatan ang isang sundalo na agad isinugod sa Camp Siong­co Station Hospital.

Magugunita na noong Hulyo 25 sa isinagawang combat operation ng tro­pa ng militar laban sa BIFF sa Brgy. Dasawao, Shariff Saydona Mustapha ay napaslang ang isang pulis na si P/Sergeant Ahmad Mahmood.

Show comments