Motor binangga, hulog sa bangin: Misis tigok, mister kritikal

MANILA, Philippines — Isang misis ang patay habang malubhang sugatan ang kanyang mister nang salpukin ang sinasakyan nilang motorsiklo ng isang owner type jeep na minamaneho ng isang guro, sanhi upang mahulog sa bangin sa Mapandan, Pangasinan kamakalawa ng gabi.

Bigo ang mga doktor ng Mapandan Community Hospital na maisalba ang buhay ng ginang na si Amparo Penuliar, 44, habang kritikal ang kanyang mister na si Leonardo Penuliar, 56, kapwa residente ng Brgy. Primicias, Mapandan.

Samantala, arestado naman ang nakabanggaan na driver na si Ge­rald Patacsil, 50, guro, at residente ng 105 Nancamaliran West, Urdaneta City.

Batay sa ulat, dakong alas-9:45 ng gabi habang minamaneho pauwi umano ni Leonardo ang isang Rusi Macho 150 motorcycle na walang plaka at angkas ang asawang si Amparo nang pagsapit sa Provincial Road ng Primicias, sa Mapandan ay banggain sila ng Toyota owner type jeep (ABW-473) na minamaneho ni Patacsil. 

Sinasabing mabilis ang takbo ng jeep kaya’t matindi ang pagkakasalpok sa motorsiklo na nagresulta sa pagkahulog nito sa right shoulder lane at matinding pagkasugat ng mga biktima, habang ang sasakyan ay nahulog sa malalim na bangin at nasira.

Naaresto naman ng mga pulis ang suspek, na nang isailalim sa me­dico-legal examination ay natuklasang positibo sa pag-inom ng alak.

Show comments