18-anyos coed ginahasa, pinatay

MANILA, Philippines — Masaklap ang sina­pit ng isang 18-anyos na kolehiyala makaraang halayin at brutal pang paslangin ng hin­di kilalang salarin sa Dagupan City, Panga­sinan, ayon sa ulat kahapon.

Ang biktimang kinilalang si Bernadette Saplan, 1st year college student at residente ng nasabing lugar ay hubo’t hubad na natagpuan ang bangkay sa isang bakante at madamong lote sa Pampano Street, Tondalingan Blue Beach Subdivision, Bonuan Gueset ng lungsod.

Positibong kinilala ang biktima ng kapatid nitong si Glenard Saplan, 23-anyos  na isang guro.

Sa ulat ng Pangasi­nan Police, dakong alas-11:30 ng umaga nitong Hunyo 16 ng taong ito nang madiskubre ang hubo’t hubad na bangkay ng biktima na may bakas na sinakal sa nasabing lugar.

 Agad na nagresponde ang composite team ng pulisya sa pangu­nguna ni Police Lieute­nant Enrique Columbino, duty officer ng Scene of the Crime Operatives team ng PNP Crime Laboratory Office Lingayen sa ilalim ng superbisyon ni Lt. Col. Abubakar Mangelen Jr., officer-in-charge.

Huling nakitang buhay ang biktima nang umalis siya sa kanilang tahanan noong Hun­yo 15 dakong alas-8:30 ng gabi dahil may pupuntahang isang birthday party.

Gayunman, nabigo nang makauwi ang dalaga hanggang sa madiskubre ang bangkay nito sa lugar.

Sumisigaw naman ng hustisya ang pamil­ya ng biktima sa sinapit ng kaanak.

Show comments