Mister itinumba sa sabungan

1 pa nasapol ng ligaw na bala

LEGAZPI CITY, Albay , Philippines  —    Bumulagta sa gitna ng tupadahan o illegal na sabungan ng manok ang isang 49-anyos na mister matapos pagbabarilin ng tatlong hindi nakilalang lalaki habang sugatan ang isa pang sabungero na tinamaan ng ligaw na bala sa Brgy. Pantat, Tinambac, Camarines Sur kamakalawa ng hapon. Nagtamo ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan at agad nasawi ang biktimang si Crisanto Taroy, ng Brgy. Cag­liliog habang sugatang isinugod sa Bicol Medical Center sa Naga City dahil sa tama ng punglo sa mukha si Rolly Assula, 43-anyos, ng Brgy. Salvacion.

Sa ulat, dakong alas-4:45 ng hapon habang nasa tupada si Taroy nang biglang dumating ang tatlong suspek na armado ng baril. Agad nilapitan at sunud-sunod na pinutukan ang biktima na duguang bumulagta habang tinamaan ng ligaw na bala sa kanang bahagi ng mukha ang kasamahang mananabong na si Assula.

Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga suspek. Nakuha sa tabi ng biktima ang ilang basyo ng bala ng kalibre 9mm at walong plastic sachet ng hinihinalang shabu. Tinitingnan ng pulisya ang posibleng onsehan sa droga na motibo sa nasabing krimen.

Show comments