Angkas ng motor dedo sa armored van

Nasa larawan ang motorsiklo at armored van na nasangkot sa isang aksidente sa daan kung saan nasawi ang backrider ng motorsiklo nang masagasaan ito matapos na pumailalim sa van.
Kuha ni Rhoderick Beñez

KIDAPAWAN CITY, Philippines — Nasawi noon din ang isang backrider habang mapalad namang nakaligtas ang driver nang salpukin ang sinasak-yan nilang motorsiklo ng isang armored van sa Sitio Fatima, Brgy Junction, sa lungsod na ito, kamakalawa ng hapon.

Ang nasawi ay si Kenneth Barbosa Alviso, 20, habang sugatan naman ang driver ng motorsiklo na si Willy Bacalangco De Guzman, 40-anyos.

Ayon sa ulat ng Kida­pawan City PNP traffic section, parehong bi­na­baybay ng dalawang sasakyan ang National Highway patungong Kidapawan City nang maganap ang aksidente alas-2:45 ng hapon nitong Miyerkules.

Pagsapit sa lugar na pinangyarihan ng insidente, ay nasalpok ng armored van na mi­namaneho ni Roldan Davin Dela Cerna, 27 ang motorsiklong nasa kanyang unahan dahilan upang sumemplang ang dalawa na ikinasawi ni Alviso.

Napag-alamang ma­bilis ang takbo ng sasakyan at posibleng hindi nito napansin ang naunang motorsiklo.

Nasa kustodya na ng mga otoridad ang drayber ng armored vehicle habang inihahan­da na ang kaukulang kaso laban sa kanya.

Show comments