Forest ranger, tepok sa salpok ng pickup

COTABATO CITY, Mindanao  , Philippines  —   Binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang isang 53-anyos na forest ranger matapos salpukin ng isang Toyota Hilux pickup habang bumababa sa kanyang motorsiklo sa tapat ng kanilang tahanan sa Brgy. Tamontaka Dos, Cotabato City, kamakalawa ng hapon.  Ang nasawi ay kinilalang si Mokamad Mangumping, may asawa at residente ng nabanggit na lugar.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-5:00 ng hapon habang pababa ng kanyang motorsiklo ang biktima sa tapat ng kanilang tahanan nang biglang salpukin ng humahagibis na pickup. 

Sa lakas ng pagkakabangga ay tumilapon ang biktima pati ang motorsiklo nito. Ngunit imbes na humimpil at tulungan ang biktima ay pinaharurot ng ‘di pa nakikilalang driver ang kanyang sasakyan at tumakas. Naisugod pa sa pagamutan si Mangumping pero binawian din ito ng buhay makalipas ang ilang oras.

Show comments