Tserman, utol, 2 pang tanod huli sa armas at granada

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Natimbog ang isang tserman ng barangay, kapatid nitong kagawad at dalawa pang tanod matapos masamsaman ng mga baril, granada at sari-saring bala sa kanilang teritoryo sa Brgy. Dafunganay, Amulung, Cagayan kamakalawa.

Kinilala ni Cagayan Valley Police director Brig. Gen. Mario Espino ang mga naaresto na sina Chairman Ariel Madriaga, 52, utol na si Kagawad Felix Madriaga, 47, at mga tanod na sina Jovito Madriaga, 43, at Adrian Panturgo, 39.

Isang cal. 38 revolver, dalawang granada at mga bala ang narekober ng mga pulis sa bahay ng mga suspek matapos ipalabas ni Tuguegarao City RTC Judge Jezerene Aquino ang search warrant nito.

Samantala, sa Cabiao, Nueva Ecija, arestado ang negosyanteng si Jayson Domingo matapos lusubin ng mga pulis at marekober sa kanyang bahay sa Brgy. San Fernando ang dalawang cal. 45 pistol, tig-iisang cal.40 Glock 23 pistol, cal.9mm Glock 26 pistol, cal.6.35 Browning pistol, cal.38 revolver, 12 gauge shotgun, M16 armalite rifle at sari-saring mga bala.

Show comments