Batangas explosion: 2 patay, 1 sugatan

Nakakuha ng blasting caps ang mga operatiba ng SOCO sa isang bahay na wasak na wasak matapos na sumabog ang mga nakaimbak na eksplosibo rito na ikinasawi ng dalawang katao at ikinasugat ng isang paslit sa loob ng isang subdibisyon sa San Roque, Sto, Tomas, Batangas kahapon.
Michael Varcas

MANILA, Philippines — Dalawa katao ang nasawi habang isang paslit ang sugatan matapos ang malakas na pagsabog sa isang subdivision sa Brgy. San Roque, Sto. Tomas, Ba­tangas nitong Lunes.

Kasalukuyan pang beneberipika ang pagkakakilanlan ng mga nasawing biktima na kapwa nagkalasug-lasog ang katawan sa insidente. Isa ring bata ang nasugatan na mabilis na isinugod sa pagamutan.

Sa report ni Batangas Provincial Police Office (PPO) Director P/Colonel Edwin Quilates, nangyari ang pagsabog sa isang bahay na ginagamit na pagawaan ng blasting caps at detonators sa Madison Garden Subdivision, Brgy. San Roque bandang alas-11 ng tanghali.

 “A loud explosion was heard at the said place. Upon verification it was located inside a fenced concrete located at the farthest end of the subdivision. The site was surrounded by uninha­bited houses and vacant lots,” anang opisyal.

Napinsala rin sa insidente ang iba pang mga bahay sa nasabing lugar.

 Inihayag ni Quilates na maging ang mga estudyante sa Mother Barbara Micarelli School ay pinauwi sa kanilang mga tahanan bunga ng nangyaring pagsabog.

Related video:

Show comments