16-anyos stude ng Cavsu, natagpuang patay sa tulay

CAVITE  , Philippines  —  Humihingi ng katarungan ang pamilya ng isang Grade-11 student ng Cavite State University (Cavsu) sa bayan ng Indang makaraan siyang matagpuang patay sa ilalim ng isang tulay sa Trece Martirez City kamakalawa. 

Sa morgue na natagpuan ng kanyang pamil­ya ang katawan ng biktimang si Ivan Christian Marco, 16-anyos at residente B150 L1 Phase 7, Carissa Homes Punta 1, Tanza, Cavite.

Sa panayam sa ama ng biktima na si Gregorio Marco, Biyernes umano ng umaga nang huli nilang makitang buhay ang anak kung saan nagpaalam pa na papasok ng eskwela at may gagawin umano silang research project. Subalit lumipas umano ang buong araw ng Biyernes ay hindi na nakauwi ang biktima. Bunsod nito kinaumagahan, hinanap na nila ang biktima at pinuntahan din ang kanyang mga kaklase suba­lit walang makapagsabi kung nasaan ang huli.

Dahil dito, dumiretso na sa istasyon ng pulisya ang pamilya-Marco at habang ipinapa-blotter nila ang pagkawala ng kaanak ay may isang pulis dito na nagsabing meron silang report na “found dead person”. 

Nagtugma naman ang deskripsiyon ng pulis sa natagpuang bangkay sa nawawalang si Ivan kaya agad nilang tinungo ang morgue na kinalagakan ng biktima. Positibo na kinilala ang biktima ng kanyang pa­milya. 

Sa kasalukuyan ay wala pang maibigay na motibo o kumpletong report ang Trece Martirez Police. Dahil dito, nanawagan ang ama sa sinumang may alam sa nangyari sa kanyang anak na magbigay ng impormasyon.

Sinisiyasat pa ng SOCO ang posibleng dahilan ng pagkamatay ng biktima. 

Show comments