Engr., 11-anyos anak natusta sa sunog!

Kinilala ang mga nasawi na sina Engineer Boy Velasco, nasa hustong gulang at anak nitong si Angel Kishia Velasco, ampon ng inhinyero.
Miguel De Guzman

MANILA, Philippines — Halos hindi na makilala dahil sa matinding pagkasunog ang isang inhinyero at 11-anyos na anak nitong babae makaraang makulong sa loob ng nasusunog nilang bahay sa Brgy. Gulayon, Dipolog City, Zamboanga del  Norte kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang mga nasawi na sina Engineer Boy Velasco, nasa hustong gulang at  anak nitong si Angel Kishia Velasco, ampon ng inhinyero.

Nakaligtas naman sa insidente si Lani Velaso, live-in-partner ni Engr. Velasco  matapos siyang makalabas agad ng kanilang bahay  nang magising sa makapal na usok.

Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 9, bandang alas-12:45 ng madaling araw habang mahimbing na natutulog ang pamilya-Velasco nang sumiklab ang sunog na mabilis na kumalat ang apoy sa buong kabahayan.

Nabigong mailigtas ang mag-ama dahil nababalutan na ng makapal na usok at apoy ang buong kabahayan.

Naapula ang apoy matapos ang ilang oras ng mga elemento ng Bureau of  Fire Protection ng Dipolog City Fire Department at narekober ang tupok at halos nagmistulang uling na bangkay ng mag-ama.

Hinihinalang faulty electrical wiring ang sanhi ng sunog.

Show comments