Bangka lumubog: Makinista, 30 kalabaw lunod

MANILA, Philippines — Nasawi ang isang makinista at ang idi-deliver sanang 30 kalabaw matapos malunod nang lumubog ang sinasakyang bangkang de-motor makaraang salpukin ng malalakas na alon sa karagatang sakop ng Brgy. Boca Chica sa bayan ng San Pascual, Masbate kamakalawa ng umaga.

Sinubukan pang isalba ng mga kasapi ng Philippine Coastguard sa pagkalunod pero patay na nang maihaon sa dagat ang biktimang si Mark Cantela Bartilet, 21, engine operator at residente ng Brgy. Luluwasan, Balatan, Camarines Sur.

Sa ulat, dakong alas-5:30 ng umaga, pumalaot ang biktima lulan ng bangkang de-motor patungo sana ng San Andres, Quezon upang i-deliver ang mga kalabaw nang salubungin ng masungit na dagat pagdating sa gitna.

Dahil sa hampas ng naglalakihang alon tumaob at lumubog ang bangka.

Ilang mga mangingisda ang nakakita sa paglubog kaya agad silang humingi nang saklolo sa mga kasapi ng Philippine Coastguard.

Nakuha at naisugod pa sa pagamutan pero idinekla­rang patay si Bartilet habang lahat ng kargang kalabaw ay nalunod at namatay pero isa-isang naihaon pati na rin ang lumubog na bangka at nadala sa pantalan ng San Pascual.

Show comments