Kawani ng Tupi District nabundol ng trak, dedo

MANILA, Philippines — Isang kawani ng Tupi Water District ang nasawi nang masalpok ng isang truck ang minamaneho nitong motorsiklo na nagbunsod sa karambola ng tatlong sasakyan sa highway ng Tupi sa South Cotabato, ayon sa ulat kahapon.

Kinilala ng Tupi Police na pinamumunuan ni Chief Inspector Lemuel Clarete ang biktima na si Ariel Abenon, 39 anyos, may asawa, at idineklarang dead-on-arrival sa Tupi Municipal Hospital dahil sa matitinding sugat na tinamo sa katawan.

Sa ulat, ang motorsiklo na minamaneho ni Abenon ay nabangga ng isang Isuzu forward truck habang tumatawid sa national highway Poblacion, Tupi. Dahil sa lakas ng pagkakabangga, nabangga naman ng motorsiklo ng biktima ang Isuzu jitney na pag-aari ng provincial government ng South Cotabato na nasa isang lane ng highway. Lulan ng Isuzu jitney nang maganap ang vehicular crash ang mga detainee ng South Cotabato Rehabilitation and Detention Center.

Ang dalawang truck ay parehong patungo sa Koronadal City nang masangkot sa vehicular crash.

Kapwa nasa kustodya ng Tupi Police ang driver ng jitney na si Eliseo Ramos ng Banga, South Cotabato at  driver ng trak na si Bernard Romares ng General Santos City.

Show comments