Parak inumbag, sinipa ng hepe!

Nagpagamot at nagpa-medical sa mga tinamong sugat at pasa sa ulo at katawan ang biktimang si SPO2 Rheynen Minas, 42, desk officer ng Police Community Precinct (PCP) 5 at residente ng Brgy.Tula-Tula matapos ang umano’y pananakit ng kanilang chief of police na si Supt. Aldwin Gamboa.
Edd Gumban/File

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Ipina-blotter ng isang pulis ang kanila mismong hepe matapos umanong iuntog ang kanyang ulo sa sementadong dingding at sipain nang pagbintangang siya ang nagpapakalat ng signature campaign para patalsikin ang kanilang deputy chief sa Legazpi City Police Station kamakalawa ng gabi.

Nagpagamot at nagpa-medical sa mga tinamong sugat at pasa sa ulo at katawan ang biktimang si SPO2 Rheynen Minas, 42, desk officer ng Police Community Precinct (PCP) 5 at residente ng Brgy.Tula-Tula matapos ang umano’y pananakit ng kanilang chief of police na si Supt. Aldwin Gamboa.

Sa ulat, dakong alas-8:45 ng umaga, mula sa PCP 5 sa Brgy.Victory Village ay tinawagan at pinapunta ni Supt. Gamboa si SPO2 Minas sa kanilang headquarters. Pagda­ting doon, agad umanong ti­nanong ni Supt. Gamboa si Minas kung totoong siya ang nagpapakalat ng pinapipirmahang kahili­ngan upang patalsikin ang kanillang deputy chief of police na si P/Chief Ins­pector Roy Marquezes na pinabulaanan naman nito. Gayunman, pinatindig umano siya ng hepe paharap sa sementadong dingding ng himpilan at saka iniwan ng ilang sandali. Pagbalik ng hepe, hinawakan nito ang likurang bahagi ng ulo ni Minas at saka iniuntog sa dingding dahilan para mapaluhod sa pagkahilo at sakit ang una. Hindi pa nakuntento, at kahit nakalugmok na si Minas ay sinipa pa siya ng kanyang hepe.

Dahil sa matinding sakit, hindi na nakabalik sa kanyang duty si Minas at nagpatingin na lamang siya sa ospital. Bumalik na lamang siya kinagabihan at ipina-blotter ang kanilang hepe para sa posibleng pagsasampa ng kaukulang reklamo.

Hindi pa makunan ng paliwanag ang hepe hinggil sa reklamo ng kanyang tauhan.

Show comments