Massacre: 9 manggagawa utas!

Nagsagawa ang mga personnel ng PNP Crime Labo- ratory ng paraffin tests sa tatlong katao na inimbitahan ng pulisya para sa pagtatanong na may kaugnayan sa pagmasaker sa 9 na magsasaka ng Sagay City sa Negros Occidental base sa kahilingan ni Chief Insp. Robert Man- sueto, hepe ng Sagay Police (kaliwa) sa pagpapatuloy ng imbestigasyon sa kaso.
(Courtesy: Gilbert Bayoran)

MANILA, Philippines — Siyam na katao ang minasaker kabilang ang dalawang menor-de-edad na umano’y pawang mga manggagawa at mi­yembro ng Negros Fe­deration of Sugar Wor­kers (NFSW) matapos na pagbabarilin ng may 40 armadong kalalakihan na umatake sa loob ng isang hacienda noong Sabado ng gabi sa Sagay City, Negros Occidental.

Kinilala ang mga nasawi na sina Eglicerio Villegas alyas Poloy, 36; Anglife Arsenal; Morena Mendoza, isang alyas Peter; alyas Dodong Laurencio; alyas Necnec Dumaguit, alyas Bingbing Bantigue at ang dalawang 17-anyos na sina Jomarie Ughayon Jr. at Marchtel Sumicad.

Sa ulat, dakong alas-9:30 ng gabi nang atakihin ng tinatayang nasa 40 armadong lalaki ang agricultural farm ng Ha­cienda Nene sa Purok. Firetree, Brgy. Bulanon ng nasabing lungsod.

Ang hacienda na sinasabing pag-aari ng isang Carmen Tolentino ay inukopahan ng mga miyembro ng NFSW ng umaga noong Oktubre 20, 2018 matapos nilang anihin ang mga nakatanim na tubo.

Ayon sa mga nagkaligtas na manggagawa, nagpapahinga sila sa kanilang ginawang tent nang biglang dumating ang nasa 40 armadong lalaki at saka niratrat ang mga biktima. Hindi pa nakuntento, sinunog pa ng mga suspek ang mga biktimang sina alyas Morena, alyas Necnec Dumaguit at alyas Bingbing Bantigue.

Sinabi naman ni Chief Supt. John  Bulalacao, director ng Police Regional Office 6, ikinasa na ng Sagay Police at Special Action Force (SAF) ang hot pursuit operations laban sa mga suspek. 

May tatlong katao na ang inimbitahan ng pulis­ya para sa pagtatanong at imbestigasyon sa masaker.

Mariing kinondena ni Bulalacao ang malagim na insidente at nangakong gagawin ang lahat ng paraan para maaresto at mapanagot ang may kagagawan sa naturang krimen.

Nag-alok na ng ha­la­gang P250,000 na pabuya ang lokal na pamahalaan ng Sagay City para sa sinumang makapagtuturo o maka­pagbibigay ng impormas­yon para madakip ang mga suspek.

Show comments