Dagupan City nasa ‘state of calamity’

Nalubog sa tubig-baha ang may 30 barangay sa Dagupan City, Pangasinan sanhi upang ideklara kahapon ang “state of calamity” sa buong lungsod makaraan ang patuloy na pagbuhos ng malalakas na ulan dulot ng southwest monsoon dahil sa bagyong “Inday” na nanalasa sa maraming parte ng Luzon.
Kuha ni Cesar Ramirez

MANILA, Philippines — Isinailalim na sa “state of calamity” ang Dagupan City sa Pangasinan matapos na lumubog sa baha ang mahigit 30 nitong barangay sanhi ng malalakas na pag-uulan at high tide. 

Sa report ng Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), ang apek­tadong mga lugar ay sa Barangay Bacayao Sur, Bacayao Norte, Bolosan, Bonuan Binloc, Bonuan Boquig, Bonuan Gueset, Brgys. I, II, III , IV; Brgys. Calmay, Caranglaan, Herrero Perez, Lasip Chico, Lasip Grande, Lomboy, Lucao, Malued, Mama­lingling, Mangin, Mayom­bo, Pantal, Poblacion West, Pogo Chico, Pogo Grande, Pugaro, Sala­pingao, Tambak , Salisay , Tapuac  at Tebeng.

Agad namang minobilisa ang search and rescue team at inilikas sa mga evacuation centers  ang mga apektadong residente.

Nagsimulang ruma­gasa ang baha sa lungsod nitong Huwebes ng gabi at nagpatuloy kina­umagahan kung saan ay nabulaga ang mga re­si­dente sa mataas na tubig baha. Minomonitor nga­yon ang Calasiao kaugnay ng posibleng pag-apaw ng Marusay River na nasa critical level na sa taas na 10 talampakan ang tubig. Lubog din sa tubig-baha ang Mabini Road sa Mabini patungong Infanta, Dasol at Burgos; ang mga kalsada ng Binalonan, Lawak, Pozorrubio, Sison at Manaoag habang umapaw ang Marusay at Sinocalan River na nakaapekto naman sa ilang mga barangay sa Calasiao, Santa Barbara, San Fabian, Mabini, Aguilar, Labrador at Mangatarem.

Show comments