Kelot utas sa suntok

Legazpi City, Albay  , Philippines  — Isang suntok ang tumapos sa buhay ng isang 30-anyos na lalaki makaraan siyang suntukin ng kanyang kabarangay na hindi nagustuhan ang sapilitang pagpapasubo nito ng pagkain sa paslit na pamangkin naganap sa Brgy. Genitligan sa bayan ng Baras, Catanduanes kamakalawa ng gabi. Nasawi noon din sa isang suntok sa leeg ang biktimang kinilalang si Eddie Tayangona, residente ng Brgy. Dororian sa bayan ng Gigmoto. Isinuko naman sa mga pulis ng kanyang tatay at ilang opisyal ng barangay ang suspek na si Salvador Geromo Jr., 24, residente rin ng nasabing barangay. 

Sa ulat ng pulisya, ala-1:00 ng hapon, nadaanan ng suspek ang biktimang sapilitang sinusubuan ng pagkain ang kanyang dalawang taong gulang na pamangking babae. Sinaway ni Geromo si Tayangona sa sapilitang pagpagkain pero hindi ito pinansin at sa halip ay ipinagpatuloy ang pagsubo sa bata.  Dahil dito nairita ang suspek kaya sinuntok ng isang beses ang biktima sa kanang bahagi ng leeg dahilan para mangisay at agad namatay.  Tumakas si Geromo makaraang mabigla sa pagkakapatay niya sa biktima pero sumuko rin kasama ang kanyang tatay at mga opisyal ng barangay makaraan ang ilang oras na pagtatago.

Show comments