‘Tulak’ utas sa shootout, 4 pa timbog

MANILA, Philippines — Napaslang ang isang pinaghihinalaang notoryus na drug pusher habang ares­tado naman ang apat pa nitong kasamahan matapos na kumasa sa pinagsanib na elemento security forces sa nauwing sa shootout ng ikinasang anti-drug operations sa Ganassi, Lanao del Sur nitong Biyernes.

Kinilala ang nasawing drug dealer na si Max Diangka, nasa drug watchlist ng mga awtoridad.

Ang mga naaresto naman ay nakilalang sina Ramon Diangka, Alinair Aminola, Emil Merda at Jalalodin Diangka Sinabi ni Major Ronald Suscano, Chief,  Public Affairs Office ng Army’s 1st Infantry Division (ID) bandang alas-9:00 ng ­umaga nang isagawa ng security forces ang anti-drug ­operations sa Brgy. Pindolonan, Ganassi ng lalawigang ito.

Sinabi ni Suscano na sinalakay ng Army’s 55th Infantry Battalion ng Joint Task Force (JTF) Ranao, Lanao del Sur Police at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 10 ang nasabing lugar upang arestuhin ang mga tulak ng droga.

Gayunman sa halip na sumuko ay nanlaban si Max na nauwi sa shootout sa magkabilang panig na siya nitong ikinamatay.

Samantalang sumuko naman ang mga kasamahang tulak ni Max makaraang makor­ner ng security forces habang papatakas.

Nakumpiska sa operasyon ang 37 piraso ng sachet ng shabu, tatlong cal. 45 pistol, isang M16 rifle, tatlong cal 38 pistol, mga bala, identification cards, cellular phones  at mga drug paraphernalia.

Show comments