Ama nalunod sa pagsagip sa anak

MANILA, Philippines — Nagbuwis ng buhay ang 53-anyos na ama makaraang malunod sa pagsagip sa sariling anak na dalagita sa trahedyang naganap sa beach resort sa Barangay Nivaliw Navarte, bayan ng San Fabian, Pangasinan kamakalawa.

Idineklarang patay sa Medical Centrum Hospital sa Dagupan City ang biktimang si Felipe Nisperos ng Sitio Sanggalang, bayan ng Jaen, Nueva Ecija.

Sa police report na nakarating sa Camp Crame, naganap ang insidente sa Urlaub Beach Resort dakong alas-11: 55 ng tanghali.

Ayon sa ulat, nag-reunion ang pamilya Nisperos kasama ang mga kamag­anak at kaibigan sa nasabing resort.

Gayunman, habang lu­malangoy ang 14-anyos na dalagitang si Mary Rose Nis­peros nang magkakawag at humingi ng saklolo.

Agad namang sumaklolo ang kaniyang ama na gumamit ng floating device para sagipin ang anak na isinampa nito sa nasabing pampalutang.

Gayunman sa kamalasan ay tinangay ang biktima ng malakas na alon hanggang sa tuluyang lamunin ng dagat.

Nakaligtas ang dalagita habang nagawang saklolohan ng rescue team ng Municipal Disaster Risk Reduction Center  ang nasabing mister na naiahon sa dagat subalit hindi na umabot ng buhay sa ospital.

Show comments