13-anyos nilamon ng ilog

BULACAN , Philippines  —   Kamatayan ang sinapit ng 13-anyos na estudyante matapos itong malunod habang naliligo sa ilog sa Barangay San Jose Patag sa bayan ng Santa Maria, Bualcan kamakalawa ng hapon. Tumagal pa ng ilang oras na paghahanap saka natagpuan ng rescue team ang katawan ng biktimang si Mariel Delos Santos ng Barangay Catmon sa nasabing bayan. Ayon kay SPO2 Jerry Villamor, huling namataang buhay ang biktima na kasama ng kanyang mga kaklase na gumawa ng school project saka nagkayayaang maligo sa ilog ng Sitio Pisang. Sinasabing hindi marunong lumangoy ang biktima pero sa udyok ng mga kaklase ay napilitan din itong lumusong sa ilog. Gayunman, nang mapadako sa malalim na bahagi ng ilog ay bigla itong tinangay na malakas na agos ng tubig hanggang sa maglaho.

Show comments