2 tinedyer na estudyante, nawawala

MANILA, Philippines — Dalawang tinedyer na estudyante ang pinaghahanap matapos na mabi­gong makauwi sa Barangay Namagbagan, bayan ng Sta. Maria, Pangasinan, ayon sa ulat kahapon.

Sa ulat ng Pangasinan police na naisumite sa Camp Crame, napilitang dumulog sa pulisya ang pamilya ng dalawang estudyante dahil umabot na sa isang linggo na nawawala.

Kinilala ang mga biktima na sina Adrian Deuit, 15, Grade 10; at Andrew Deguit, 14, kapwa residente ng nabanggit na barangay.

Sa imbestigasyon, ang dalawang biktima ay hu­ling nakitang buhay noong Oktubre 27 ng umaga habang papasok sa Balu­ngao National High School sa bayan ng Balungao, Panga­sinan.

Gayunman, matapos ang isang linggo ay hindi pa rin umuuwi ang dalawa na noong una ay inakala ng kanilang pamilya na nasa kanilang pinsan pero nang hanapin ang mga ito ay hindi natagpuan.

Patuloy naman ang paghahanap ng mga awtoridad sa dalawang binatilyo.

Show comments