Magka-live-in tumanggi sa tagay, inutas

CAVITE  , Philippines  —  Napaslang ang magka-live-in na tumang­ging tumagay ng alak makaraang pagbabarilin at saksakin ng senglot na lalaki sa Barangay Burol 3 sa Dasmariñas City, Cavite kamakalawa ng gabi. Kinilala ang magka-live-in na sina Rodel “Ding” Berce, 39; at Rosalina Cortez, 51, trader, kapwa nakatira sa nabanggit na barangay. Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspek na si Isma Redondo. Base sa police report na naisumite sa Camp Pantaleon Garcia, dumating sa tindahan ng magka-live-in ang suspek kasama ang karelasyong si Anne. Nabatid na niyaya ng suspek ang biktima na makipag-inuman subalit tumanggi ito. Dito na napahiya ang suspek kay Anne kaya binoga nito si Rodel gamit ang shotgun habang ang ka-live-in na si Rosalina ay sinaksak hanggang sa mapatay. Napag-alamang kinasuhan ng biktima ang suspek dahil sa hindi pagbabayad sa kasunduang bentahan ng bahay.

Show comments