Tanod nagremit ng koleksyon, inutas

MANILA, Philippines — Napatay ang barangay tanod na sinasabing nagre-remit ng koleksyon sa taya ng Small Town Lottery (STL) sa isang subdibisyon matapos itong pagbabarilin  ng mga hindi kilalang lalaki sa Barangay Recodo sa Zamboanga City, Zamboanga del Sur noong Miyerkules ng gabi. Idineklarang patay sa Brent Hospital ang biktimang si Jolito Martizano ng Brgy. Tulungatung. Base sa police report na naisumite sa Camp Crame, naganap ang pamamaril sa Purok 8 C, Dacon Homes, dakong alas-7:50 ng gabi. Nabatid na nagre-remit  ng koleksyon sa STL kay Jun del Campo ang biktima  nang lapitan at ratratin. Matapos mapuruhan ang target ay mabilis na nagsitakas ang gunmen patungo sa hindi pa malamang destinasyon. Narekober sa crime scene ang mga basyo ng bala ng cal. 45 pistol habang patuloy ang imbestigasyon.

Show comments