Brgy. chairman itinumba sa bahay

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines - Bulagta ang isang barangay chairman matapos itong pagbabarilin ng dalawang hindi kilalang lalaki sa harap mismo ng kanyang bahay sa Barangay Patag sa bayan ng Irosin, Sorsogon kamakalawa ng hapon. Napuruhan sa dibdib ang biktimang si Bernardo Lerio habang tumakas naman ang gunmen sa hindi nabatid na direksyon. Base sa police report na nakarating sa Camp Simeon Ola, nasa loob ng kanyang bahay ang biktima at asawa nang may kumatok kung saan hinahanap ang barangay chairman dahil sa may kailangan. Gayunman nang lumabas ng pinto ang biktima ay kaagad na pinagbabaril ng dalawang hindi kilalang lalaki.

Sinisilip naman ng mga imbestigador ng pulisya ang anggulong may kinalaman ang pamamaslang sa aktibong kampanya ng biktima laban sa drug trade.

Show comments